Continued from Tony Perez's Electronic Diary (October 19, 2018 - March 12, 2019) http://tonyperezphilippinescyberspacebook41.blogspot.com/

Photo by JR Dalisay / April 21, 2017

Wednesday, September 29, 2021

Nanungkulan akong 36 taon sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila. Kabilang sa mga gawain ko ang pamamahala sa Ambassador's Fund for Cultural Preservation. Nilakbay ko ang maraming lugar na karaniwang di pinupuntahan ng mga turista sa buong bayan. Ilan sa pinangasiwaan ko ang pagtupad ng National Commission for Culture and Arts at ng National Museum of the Philippines sa pagpaayos ng pabinyagan at dalawang haligi ng Simbahang San Vicente Ferrer, sa Nueva Vizcaya; sa pagpulong ng ICOMOS tungo sa pagpanatili sa Banaue Rice Terraces, sa Ifugao; sa pagpanatili sa Balobok Rock Shelter, sa Tawi-Tawi; sa pagdokumento ng Tabon Caves, sa Lipuun Point, Quezon, Palawan; sa pagpanatili sa Kabayan Mummy Caves, sa Benguet; sa pagpaayos ng dambana at pulpito ng Simbahang Lazi, sa Siquijor; sa pagdokumento ng hudhud at alim ng mga Ifugao; at sa pagsaayos ng mga obra ni Botong sa bulwagan ng Philippine General Hospital.

Minsan, sinamahan ko ang Public Affairs Officer ng Embahada sa isang pagpulong sa Samar hinggil sa pag-alaala ng pag-agaw ng mga Amerikano sa dalawang kampana ng Simbahang Balangiga. Dito ko nalaman ang tungkol sa bandidong pangkat na Pulajanes, na nakilala bilang Tadtad noong lumawak sila at umabot sa Mindanao, at nakilala naman pagkatapos bilang Haring Bakal sa Maynila.


Bago ako nagretiro noong 2015, may nakaibigan ako sa Visayas na nagpakilala sa akin kina Utol J. at Utol L, na naging mga blesser at initiator ko sa Haring Bakal. Naakit ako ng Haring Bakal matapos pag-aralan ang higit 50 sistema ng katutubong mahika. Nasasapian lamang kasi ang Haring Bakal pagkatapos makadanas ng matinding paghirap at sakit sa katawan. Alam ko na kaunti lamang--o wala--sa Friends at Followers ko ang susunod o gagaya sa akin.
.

Sumusunod ang mga pinagdaanan ko:


1) Ang pandong. Nagsindi ang blesser ko ng kandila sa isang altar na kinapapatungan ng mga imaheng Katolika. Ang apoy ng kandila ang nagpahatid sa kaniya kung karapat-dapat akong ma-initiate o hindi. Nang positibo ang tugon ng dilang apoy, ipinatong niya ang mga palad niya sa ulo ko at nagbigkas siya ng oraciones.


2) Pinatayo ako ng blesser. Ginapos ng katulong niya ang mga braso ko sa likod ko. Inutusan akong magpatigas ng tiyan at mga binti.


3) Hinampas ako ng blesser ng talim ng katana. Malakas ang mga hampas. Pitong ulit akong hinampas--tatlo sa tiyan, tigalawa sa bawat binti. (Sa karaniwan, kailangang magbalik ang initiate sa kaniyang blesser taun-taon hanggang makalikom ng 49 hampas.) Masakit ang bawat hampas. Humiyaw ako upang bawasan ang sakit. Nasa isang bahay kami sa tabing-ilog. Walang ibang makarinig sa amin kundi ang asawa ng blesser, na nasa kusina at parang sanay na sa mga gayong pag-iingay. Sa sumunod na dalawang linggo, naging itim at asul ang mga latay sa tiyan at mga binti ko, pagkatapos, naging biyoleta at dilaw. Datapwat, hanggang sa araw na ito, nagtataka pa rin ako kung bakit di ako nahiwa o nasugatan ng talim.


4) Hinandugan ako ng blesser ng niyog na iisa ang mata. Aniya, ito ang magsisilbing ulo ko at dapat pakaingatan. Itinago ko ito sa silid-tulugan ko sa isang lugar na di makikita o mahahawakan ninuman. Maaari ko raw kinisan at barnisan ang niyog ngunit di ko ginawa pagkat nasiyahan ako sa natural nitong anyo. Ipinatong ko ang niyog sa isang estanteng tanso.


5) Hinandugan din ako ng blesser ng bakus, o sinturon, para raw sa proteksiyon ko. Ang blesser mismo ang gumawa sa bakus na iyon.


6) Ipinagakitawala sa akin ang isang paris na tuay-tuay, o buto ng mga tuhod na hinango sa bangkay ng isang batang lalaki. Ayon sa sabi-sabi, kumukuha ang Haring Bakal ng mga tuay-tuay sa mga kampusanto. Dasalan ko raw ang may-ari laging bigyang-galang ang mga ito. Sinilid ko ang mga buto sa dalawang security wallet na naisusuot sa palibot ng mga lulod. Dudulutan daw ako ng mga ito ng liksi at kakayahang di-makita ng ibang tao.


7) Hiniwa ng ikalawang blesser ang mga braso ko at tinamnan ang ang mga iyon ng dalawang mutya ng ___________. Ang ginamit niya, makalawang na Gillette blade. Isinuksok niya ang mga mutya sa kalamnan ko sa pamamagitan ng basyong palitong posporo.


Nakamit ko sa ikalawang blesser ang isang pulang pandong at isang pulang tsaleko. Di raw ako tatablan ng bala dahil sa mga ito ("tagnipas" o taga-liwas). (Pero, babanggitin ko rito na, para sa akin, patalinghaga lang ang "di "tatablan ng bala").


Ang payo sa akin ng ikalawang blesser, iwasan ang paggamit ng bakal sa loob ng 49 araw. Nakaligtaan ko ito sa sandaling magbalik ako sa otel. Nag-order ako ng hapunan at kumain ako gamit-gamit ang mga kubyertos na bakal. Noong gabi ring iyon, naranasan ko ang mga sintomas ng tetanus. Pauli-ulit akong nagdumi at nagsuka. Tatlong gabi at tatlong araw akong naratay sa kama, at namaga ang mga braso ko, kung saan isinuksok ang mga mutya, na para bagang mga bolang pang-ping-pong ang nasa loob.


8 ) Nagbalik ako sa Maynilang may dalang tatlong boteng lana, na ang tawag ay Round 7, para sa pagpapagaling sa maysakit at pananggalang sa masamang kulam, at dalawang librong Haring Bakal na nagtataglay ng oraciones, kabilang ang oraciones para sa Round 7.


9) Noong sumunod na dalawang linggo, nakakita ako ng mga anino sa mga sulok-sulok ng bahay. Para bagang sinundan ako ng espiritu mula Visayas. Isang hapon, naaninag ko sa salamin ng aparador ang isang binata sa bandang likuran ko. Naisip ko na siya marahil ang may-ari ng mga tuay-tuay sa pangangalaga ko, na binata na ngayon sa daigdig ng mga espiritu. Pinangalanan ko siyang Diego. Lagi ko siyang ipinagdarasal. Inilagak ko ang mga tuay-tuay sa kolumbaryo namin. Balang araw, ililipat ko ang lahat, kasama ang mga tuay-tuay, sa isang simbahan.


Sa Ubud, Bali, natuklasan ko na ang kahulugan ng salitang "hari" sa Bahasa Indonesia ay "araw", at ang salitang Bahasa para sa Tagalog na "hari" ay "rajah". Maaaring isalin ang "Haring Bakal", kung gayon, bilang "araw na yari sa bakal", isang terminong nagpapaghiwatig na ang Haring Bakal ay pang-lalaki. Naalaaala ko ang mga Essene, na samahan ng kalalakihang kinabilangan ni Juan Bautista, pagkat, kapag may mga kasama akong miyembro ng Haring Bakal, walang nababanggit na anuman tungkol sa mga babae.


Hangad ko rito ang paglalahad ng mga tamang impormasyon tungkol sa Haring Bakal at hindi ang pag-organisa ng isang samahan. Ngayon ko lamang naisagawa ito mula 2015 dahil sa pagiging abala sa iba't ibang bagay.

Di man kapani-paniwala sa iba, naging ligtas ako sa maraming maselang situwasyon mula 2015. Kung dahil ito sa pagiging Chinese Rabbit ko o sa pagsapi ko sa Haring Bakal, hindi ko tiyak na masasabi--pero, pakiramdam ko lagi, protektado ako ng mga mutyang nakabaon sa mga braso ko.

No comments:

Post a Comment