Continued from Tony Perez's Electronic Diary (October 19, 2018 - March 12, 2019) http://tonyperezphilippinescyberspacebook41.blogspot.com/

Photo by JR Dalisay / April 21, 2017

Friday, March 6, 2020

Mga Awit Kay Q.A.


1. Patayin ang mga aranya
Huwag sindihan ang mga lampara
Sa ibabaw ng mga sulatan
Ayaw kong isiping nasilaw ka lang,
Di mo ako tiningnan nang patag
Ang puso mo at malinaw ang mata

Mamahalin kita sa mahabang dilim
Doon hintayin ang pagputok ng araw
Sabay nating masdan, sabay tayo masilaw
Hanggang mabulag sa lahat ng hugis ng
Katotohanan, lahat ng anyong kalupitan
Sa liwanag ng Kalikasan

Paano kita masisilaw
Kung naroon ako sa iyong likuran
At doon ako mamamalagi
At doon ka iibigin, sa iyong likuran
Hanggang mamatay ang araw
Hanggang dumilim na naman


2. Ikaanim Na Pagsubok Ni Haring Salermo Kay Don Juan

Hatinggabi, dinig ko'y hinagpis
Kulog na pumagpag sa ulap
Kidlat na kumiskis sa ulan

Inisip ko, mula iyon sa 'kin
Pero tumingin ako sa puso ko
At walang lumbay roon, pag-ibig lamang

Akala ko, mula sa 'yo
Pero tiyak ko rin namang, hindi
Paano kasi magmumula sa 'yo

Bakit ikaw ang magtatangis
Samantalang ikaw ang naghagis
Sa dagat ng mahiwagang singsing

Ang singsing ang naghinagpis, at ang dagat
At ang kulog, at ang ulap
At ang kidlat, at ang ulan

At ang hatinggabi, at ang susunod pang
Mga hatinggabi, kahit ayaw ko nang marinig
Sa lahat ng panaginip, sa lahat ng daang madilim


3. Sino

ang mahal mo
kaya't di mo 'ko mahal
ang nagmamahal sa 'yo
at ang mahal mo rin

Saan

ang nagmamahal sa 'yo
at siyang mahal mo na
at ang di mo mahal
kahit mahal ka pa

Ano

ang patutunguhan ng mahal mo
at nagmamahal sa 'yo
at saka ng nagmamahal sa 'yo
pero di mo naman mahal

Bakit

ka pa rin mahal
ng di mo mahal

At alin

Sa pag-ibig namin
ang totoong walang hanggan


4. Di kita dadalawin nang walang pahintulot
Pero sasanggain ko ang bawat mong bangungot
Kukumutan kita ng tulog na mahimbing
Kunot ng noo mo'y maingat kong hahaplusin

Paggising mo sa umaga, di ako ang nasa isip
Kundi ang buhay mong napakalayo sa 'kin
Di mo makita, ngiti ko sa hangin
Bulong ng pag-ibig, di mo rin marinig


5. Ikaw ang aking lihim
Walang pangalan, walang uri

Kandadong may susing
Tinapon ko sa bangin

Kahit saliksikin
Di kayang hanapin

Kalawanging susi sa natuyong putik
Isang araw, may pupulot din

Pagtatakhan kung sino'ng nagmay-ari
At kung pulubi ba siya o hari

Pagdating ng araw, wala na itong awit
Sa tinagal ng panahon, ako't ikaw rin

Kayraming lihim na dinala sa libingan
Kayraming langit na walang pintuan


6. Hindi kita iiwan
Kahit paulit-ulit mong isiping
iniwan na kita

O wala nang pagmamahal
Kundi pagtingin
Ng kaibigan lang

Hindi kita iiwan
Sa paghihirap man o sakit
Pag-ibig ko, bubuhayin ka

Hihilom lahat ng sugat mong napala
Sa lahat ng sakuna, kita'y sasagipin
Ngayon, at kahit ako'y wala na


7. Kinalawang ang bakal
Nangitim ang pilak
Nalusaw ang bubungan
Sa lagablab ng araw
Sa dingding, lumagos na ang anay
Nang lumindol, sahig ay bumitak
At ang mga haligi'y ga'no pa kaya
Mananatiling tuwid at matatag

Ganyan din ba ang mga alaala
Natin ngayon sa isa't isa
Paglipas ng mga buwan
At di na matingkad at sariwa
Ang ganda, ang pag-asa
Ang pangarap, ang pantasya

Wala 'kong karapatang angkinin ka
At isilid sa aking engkantadong botelya



8. Noong unang panahon
Ako'y parang si Adam, ikaw, parang si Eva

Sa sumunod na buhay
Ako naman si Eva, ikaw si Adam

Sa sumunod pang buhay
Mag-asawa tayo, pinatay kita

At sa isang sumunod pa
Ako naman ang iyong pinatay

Sa buhay natin sa kasalukuyan
Ano ba'ng bagong pinagkasunduan

Ang dating malapit, ngayo'y sa kalayuan
Ang dating galit, ngayo'y pagmamahal

Ang dating maa'ri, ngayon ay bawal
Ang dating simula, ngayo'y katapusan


9. Maalinsangan kung tanghali
Maginaw ang mga gabi
Ganap lamang kasi ang pag-ibig
Nang dahil sa init-lamig

Minahal kita kahapon
Ngunit, hindi ngayon
Sa makalawa, baka, oo
At hindi na naman, pagkatapos noon

Gumising ka sa pag-ibig
Gayundin sa kawalang-pag-ibig
Mahimbing muli't muli
Ituloy ang pananaginip

Sa panaginip, pag-ibig ay lagi
Ang lahat, anong-tamis
Sa panagimpan, mundo ay langit
Sa pangarap, tapat ang kasi



10. Parang mahal kita pero di ako sigurado
Baka iniibig kita nang di naman tiyak
Mukhang naaakit ako, subalit, di nga kaya?
Tila may gusto ako, lamang, malamang muna

Bubuksan ko na ang puso ko, ngunit, huwag pa
Hahalikan sana kita, itutuloy ko ba?
May damdamin ako, medyo yata
May pagtingin ako sa iyo. Siguro lang.


No comments:

Post a Comment