Continued from Tony Perez's Electronic Diary (October 19, 2018 - March 12, 2019) http://tonyperezphilippinescyberspacebook41.blogspot.com/

Photo by JR Dalisay / April 21, 2017

Tuesday, August 11, 2020

Ang Huli Sa Balita

Kumilos kang maagap sa simula pa lang ng lockdown. Pumakyaw ka ng mga de-lata at gamit. Saka kayo nagkulong sa bahay: ikaw, ang asawa mo, at ang dalawa n'yong anak. Wala kayong pinahintulot na pumasok. Di kayo nagbukas ng pinto sa lahat ng kumatok. Umakyat at lumubog ang araw. Kumain kayong mabuti. Parang bakasyon, ang sabi mo. Ang sabi mo pa, ka'wa'wa naman ang mahihirap. Nawalan ng hanapbuhay, naghihingalo sa gutom, nagpapalimos sa mga daan.

Wala kayong ginawa kundi matulog, magluto, kumain, maglinis ng bahay, manood ng balita sa telebisyon. Kampante ka pagkat di kayo puputulan ng kuryente, ng tubig, ng telepono. Nang dumating ang ulan, natuwa ka dahil parang di man lang nababawasan ang mga de-lata at gamit na inimbak mo, lalo na ang paboritong pagkain ng mga anak mo.

Naging problema n'yo lang ang masama at nakasusulasok na amoy na parang nagmumula sa ibabaw ng mga kisame. Malamang, ang sabi mo, may mga pusa at daga na tumakas sa ragasa ng tubig sa mga kanal at umakyat at naipit doon. Doon kayo naglatag ng mga kutson sa sala at tabi-tabi kayong natulog. Ang di n'yo alam, bago pa man dumating ang ulan, pumasok ang pandemya na parang akyat-bahay sa tahanan n'yo, at isa-isa kayong ninakawan ng buhay.

Patay na kayo. Matagal na kayong patay. Pumasok kayo ngayundin sa mga silid-tulugan n'yo at pagmasdan n'yo ang nabubulok n'yong mga bangkay.

No comments:

Post a Comment