Continued from Tony Perez's Electronic Diary (October 19, 2018 - March 12, 2019) http://tonyperezphilippinescyberspacebook41.blogspot.com/

Photo by JR Dalisay / April 21, 2017

Tuesday, June 16, 2020

Your e-mail message:

"Ginoong Perez,

"Magandang hapon po. Ako si _____________________, __ na taong gulang, at isang tagahanga. Ngayon pa lang ay bibigyan ko na kayo ng abiso dahil baka maging mahaba ang aking sasabihin sa email na ito. Kung kayo man ay mabato o masuya dito, huminhingi na po ako ng pasensya pero ngayon lamang ulit ako sumulat ng ganitong kahaba sa isang tao kaya kung maari sana ay paunlakan ninyo ang aking email.

"Nakita ko ang inyong email address sa blog kung saan naka-publish ang inyong mga gawa. Sa kawalan ng pag-asang hindi ko na makikita ang inyong mga gawa ay lumabas sa Google ang inyong blog—at doon ko nakita na karamihan ng inyong akda. Sa paghahanap ko ng kopya ng Cubao Midnight Express ay natisod ko ang inyong mga akda, ngunit hindi sa anyong aking inaasahan.

"Matagal na akong naghahanap ng kopya ng Cubao Midnight Express. Nakita ko siya sa isa sa aking mga kaibigan, isang photographer na nagngangalang _________________. Aniya, mahal na mahal niya ang Express at lalo na ang niyong akda na Eros, Thanatos, Cubao. Sinabi rin niyang pinaiyak siya nito sa isang pampublikong lugar habang binabasa niya ito sa labas.

"Sinimulan kong basahin ang Express sa inyong blog noong nakaraang taon ngunit may isang natatanging hamon ang pagbabasa ng inyong akda sa inyong blog. Dahil naka-publish siya bilang isang entry sa inyong blog, ito ay may mga kaakibat na suliranin gaya ng kawalan ng kakayahang i-bookmark ang lugar kung saan ka hihintong magbasa, walang pahina, at iba pang katangian na nadala ng mga ebook galing sa mga pisikal na libro.

"Dahil dito, nakisuyo ako sa isang kakilala na ihiram ako ng kopya ng Express mula sa silid-aklatan ng De La Salle University-Dasmariñas. Pero meron siyang ibang idea: maaari niya daw i-clone ang buong libro para mabasa ko siya at hindi siya mapatawan ng penalty. Makatapos ang isang linggo, 'cloned' na kopya ng inyong libro—at ngayon ko lamang siyang sinimulang basahin dahil marami akong oras ngayong panahon ng quarantine.

"Pero balik tayo sa inyong blog. Noong nakita ko na nakalathala sa inyong blog ang Express at iba niyo pang gawa, mayroon kayong pamungad. Ika niyo, 'go green [and] read from the screen.' Bilang isang millennial na nagkamalay sa bukana ng analog at digital, ang mungkahing ito galing sa inyo ay nakakabilib dahil hindi kayo natatakot na yakapin ang teknolohiya upang mas marami pang mambabasa ang marating ng inyong mga akda.

"Bagaman ako ay bumibili pa rin ng mga pisikal na libro (lalo na sa mga gerilyang naglalako ng libro sa kanto ng Buendia at Pasong Tamo), ako mismo ay isang malaking tagapagsulong ng teknolohiya lalo na sa larangan ng sining at panitikan. Isang pabirong pang-asar namin sa aming mga kaibigang ayaw magbasa ng libro sa kanilang mga smartphone at tablet ay "dead tree purists."

"Maliban sa mga natatanging paraan ng pagkukwento na hindi posible sa print and broadcast, ginagawa ring accessible at dine-democratize ng internet ang distribyusyon ng kaalaman. Kung dati ay mga elite lamang ang may access sa Louvre, lahat ng may smartphone ngayon ay maaari nang makita ang laman ng mga museo gamit ang Google Arts & Culture. O mas madali nang makipag-usap ang mga may-akda sa kanilang mga tagahanga dahil sa Facebook, Instagram, at ibang social media platform.

"Dahil sa sinabi niyong 'go green, read from the screen,' naniniwala akong nakikita niyo ang potensyal ng internet (sa kasong ito, ng blog) para makarating sa mas nakakarami ang inyong mga kwento. Ito ang dahilan kaya mas gusto niyong nasa internet na ito. Hanggat bukas ang serbisyo ng Blogspot/Blogger, buhay din sa internet ang inyong mga akda kahit na matagal na silang hindi naiimprenta.

"Ang dahilan kung bakit ako sumusulat sa inyo ng paghaba-haba ay meron akong mumunting proposal: nais kong gumawa ng PDF/EPUB/MOBI na kopya ng Cubao Midnight Express. At sisimulan ko lamang ito kung ako ay makakakuha ng pahintulot galing sa inyo. Wala akong ninanais na kahit ano mula sa project na ito maliban sa inyong pagpayag.

"Maraming dahilan kung bakit ko siya gustong gawin. Una, ang blog version ng inyong libro ay mahirap basahin (at nasabi ko na rin ang mga dahilan sa itaas) dahil isa itong "wall of text" kahit para sa mga taong taal na sa internet. Kapag ginawa itong PDF o iba pang uri ng ebook file format, mas madali itong mababasa ng iba kahit ano pa ang aparatong gagamitin nila para buksan ito.

"Bago ako nagkaroon ng kakayang bumili ng mga sarili kong libro, nagamit ko ng husto ang mga ebook nung ako ay nasa kolehiyo noong 2007. Wala pa namang mga iPad noon (at kung meron man, sobrang mahal). Meron akong personal digital assistant (PDA) nung ako ay estudyante pa at nalaman kong nakakabasa siya ng PDF.

"Dahil dito, naghanap ako ng mga libreng ebook gaya ng mga akda ni George Orwell (Nineteen Eighty-four, Down and Out in Paris and London) at John Milton (Paradise Lost). Malaki ang pasasalamat ko sa PDA na iyon dahil nakakapagbasa ako sa loob ng LRT nang walang dinadalang pisikal na libro at maaari kong balikan agad-agad kung saang bahagi ng libro ako tumigil magbasa. Salamat sa PDA na iyon, natuto akong hindi importante kung ang medium ng iyong pagbabasa ay analog o digital. Kung gusto mong magbasa, gagawa't gagawa ka ng paraan.

"Pangalawa, naniniwala ako sa citizen archiving bilang paraan para hindi mawala ang impormasyong meron tayo at maipasa pa rin siya sa mga susunod na henerasyon. Kamakailan lamang, may isang photographer na naglabas ng mga litrato na kuha niya sa isang recording studio—at makikita mo dito ang miyembro ng ilan sa mga malalaking banda ng 90s gaya ng Eraserheads, Color It Red, Agaw Agimat, at iba pa. Dahil pinili nilang i-archive ang mga litratong ito, meron silang mga mumunting bahagi ng kasaysayan. At ngayon ay maaari na itong makita ng mga tao sa Facebook.

"Ang aking ama ay isang ____________. Sa loob ng mahigit tatlumpung taon na paghawak ng _______, marami na siyang nakunan at sinisiguro niyang may kopya siya ng mga _________ para may babalikan siya. Noong 2009, dumating ang bagyong Ondoy at sinira ng bahang dala ng bagyo ang lahat ng kanyang mga kuha. ... (L)ahat ay biglang nawala. Malaki ang panghihinayang niya dahil marami dito ay bahagi ng kasaysayan, hindi lamang ng mga paksa niya sa pagkuha pati na rin kasaysayan niya.

"Pangatlo, dahil sa quarantine, marami akong oras para gumawa ng mga bagay-bagay. Sa loob ng dalawang buwan, ang ginagawa ko lang pagkatapos ng trabaho ay manood ng pelikula o mga TV series sa Netflix o maglaro sa laptop. Hindi ko alam kung dala lang ng pangungulila kaya gusto kong gumawa ng bagay na may kabuluhan pero matagal ko nang pinagninilayan tong proyektong ito. Marahil ito ang tamang pagkakataon para imungkahi sa inyo ang proyektong ito.

"Gaya ng aking sinabi kanina, wala akong gustong makuha sa paglagay ng Cubao Midnight Express sa PDF/EPUB na format. Ni pagkilala sa proyektong ito ay wala rin sa isip ako. Ang tanging gusto ko lang mangyari ay mabigyan ng hustisya ang inyong libro na nasa tamang file format na akma para sa mga libro.

"Hindi ito isang bagong idea; maraming manunulat ang nagsasamantala ng ebook na format. Pero ang isa sa mga pinakatumatak na halimbawa sa akin ay ang digital version ng Amigo Warfare ni Eric Gamalinda. Pinasa lang ito sa akin ng isang kaibigan pero sa unang tula pa lang minahal ko agad ang librong iyon. Para sa ebook version niya, ito ang nakalagay sa copyright (at nakalakip ang PDF format nito sa email na ito):

"Ano ang magiging pakinabang ko sa proyektong ito? Maliban sa bibigyan niyo ako ng pagkakaabalahan ngayong panahon ng quarantine, matututo ako lalo sa paggamit ng Adobe InDesign (isa sa mga software na ginagamit para para sa layout design at desktop publishing). May konti na akong kaalaman sa paggamit ng InDesign at mas gusto ko pang matuto nito. Isa pa, sapat na sa akin ang magkaroon ng PDF version ng Express para mailagay sa aking tablet.

"Kahit na hindi pa kayo pumapayag, meron lang akong isang hiling: kung papayag kayo na gawin naming PDF/EPUB ang Cubao Midnight Express, maaari bang gamitin natin ang isa sa mga kuha ni _________________ bilang cover sa online version ng inyong libro? Ito ang kanyang portfolio at nalaman ko ang mga libro niyo dahil sa walang-tigil niyang papuri sa mga ito, lalo sa Eros, Thanatos, Cubao.

"Gaya niyo, kami ay may espesyal na puwang sa puso para sa Cubao. Hindi man kami taga-Cubao ay meron kaming sarili naming koneksyon sa lugar. Mula sa kakaibang enerhiya ng Cubao Expo hanggang sa masarap at murang karinderya sa kanto ng Imperial. Saksi ang Cubao sa iba't ibang bahagi ng aking buhay, mula sa unang halik, iyakan, kasiyahan, mga kwento tungkol sa pagtataksil, kapaguran sa buhay, kawalan ng pag-asa, at kung anu-ano pa. Nasaksihan rin namin ang Cubao sa iba't iba nitong anyo: mula sa mata ng isang bata na hindi makapaghintay na makarating Dakt Toys Center sa labas ng Fiesta Carnival hanggang sa pag-ubos ng oras sa HMR surplus dahil sa dami ng gamit na naghihintay ng bagong tahanan.

"Sa tinging ko ay masyado na itong mahaba—at humihingi ako ng pasensya dahil masyado akong maraming sinasabi. Sana ay pumayag kayo na gawin namin itong proyekto na ito at kung hindi man, igagalang namin ang niyong magiging desisyon.

"Kung nais niyo akong mahagilap sa mas mabilis na paraan, maaari niyo akong i-text o tawagan sa ______________.

"Maraming salamat po. At sana ay manatili kayong ligtas ngayong panahon ng walang kasiguraduhan.

"Gumagalang,

"_________________________"


My reply:

Hello __________________________!

Kailangan mo yatang humingi ng pahintulot sa Cacho Publishing House, na ngayon ay kaanib ng Anvil Publishing Inc. Mga abugado nila ang bubusisi sa pakay mo."

No comments:

Post a Comment