My acceptance speech:
Malaking pasasalamat sa Komisyon sa Wikang Filipino, sa NCCA, at sa National Book Development Board. Gusto ko ring magpasalamat sa isang taong wala rito--ang dating Consul General na si Richard Haynes ng American Embassy. Ang mga consul kasi at political officer ng Embassy, obligadong mag-aral ng Fiipino, Pinili ni Richard Haynes na pag-aralan ang Cubao series ko at panoorin ang maiikli kong dula sa isang festival na idinaos ng University of Asia and the Pacific. Binabanggit ko ito sapagkat namangha ako na pinag-aralan ng isang banyaga ang mga aklat ko at pinanood ang maiikling dula ko--at higit niyang naintindihan ang mga iyon kaysa ng mga karaniwang Pilipino.
So here is my three-minute message:
Hindi mamamatay ang panitikang Filipino pagkat patuloy itong pinag-aaralan sa maraming bansa, at pinananabikan ng libu-libo. Unang magugunaw ang mundo bago mamatay ito.
Ang nananatiling mga lihim lamang ay kung bakit naging manunulat ang mga manunulat, at kung bakit sila nagsusulat.
Ito ang aking lihim--mula sa ikaapat na baytang ng mataas na paaralan. Required subject ang Pilipino noon. Inatasan kami ng guro na pumili ng ilang pahina sa panitikang Ingles at isalin ang mga ito sa Filipino. Pinili ko ang tatlong pahina ng mga taludtod mula sa _Hound of Heaven_ ni Francis Thompson.
No'ng sumunod na linggo, tinawag ako ng guro sa harap ng klase at tinanong niya kung pa'no ko isinalin ang mga pahina. Inusisa niya kung saan nanggaling ang Filipino ko. Nagtanong din siya tungkol sa bokabularyong ginamit ko. Kalahating oras ako pinatayo roon. Iyon pala, hindi siya naniwala na ako ang nagsalin ng mga pahina. Ipinakita pa niya ang pagsasalin ko sa lahat ng guro sa faculty room. Lahat sila, sumang-ayon na hindi ako ang nagsalin ng mga pahina.
Sayang, wala pang Internet noon, kasi, kung mayro'n, hindi nila mahahanap ang pagsasalin ko sa anumang lugar kundi sa sarili kong social media.
Mula noon, nawalan ako ng paggalang sa mga naging guro ko. Nagpasiya akong maging manunulat noong araw ding iyon para patunayan sa kanila na mali ang kanilang paghuhusga. Wala akong pinasasalamatang guro. Sila ang dahilan kung bakit ako naging manunulat. Kung di dahil sa kanila, malamang, bilyonaryo ako ngayon.
Sa kabila ng lahat, sa edad kong ito, patuloy akong magsusulat, pagkat, parehong naging matimbang sa akin ang panitikan ng pag-ibig at ang panitikan ng paghihiganti.
No comments:
Post a Comment